Nene, 21 beses sinaksak ng adik, kritikal

MANILA, Philippines - Agaw buhay ngayon ang isang 7 anyos na batang babae matapos 21 beses pagsasaksakin ng icepick ng adik na kapitbahay ng kanilang pamilya sa Cadena de Amor St., Talomo, Davao City kamakalawa ng hapon.

Sinabi ni Davao City Police Director P/Sr. Supt. Roland de la Rosa, patuloy na isinasalba ang buhay ng biktimang si Trisha Kaye Rosales, Grade 1, residente ng Purok V, Cadena de Amor, Tolomo ng lungsod.

Bandang alas-4:30 ng hapon habang ang biktima ay nakaupo sa likuran ng kanilang tahanan may ilang metro ang layo sa ina nitong si Bebetonia Rosales na nakikipagkuwentuhan sa kanilang mga kapitbahay ng mangyari ang insidente.

Ayon kay de la Rosa, armado ng icepick ay biglang lumapit ang suspek na kinilalang si Rajiv Bantayan Kemchandani, 25, walang hanapbuhay at bigla na lamang pinagsasaksak ng sunud-sunod ang paslit.

Samantalang, halos hindi makagulapay sa tinamong ‘blackeye’, pamamaga ng mukha gayundin sa mga pasa at sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ng iturnover sa nagpapatrulyang Mobile patrol car #51 na minamaneho ni PO1 Gerry Nagao ang suspek matapos na pagtulu­ngang bugbugin ng umaresto ritong mga taumbayan ng maabutan habang papatakas. Iniimbestigahan na ang motibo ng krimen.

 

Show comments