2 holdaper bulagta sa shootout

MANILA, Philippines - Dalawang notoryus na miyembro ng Waray-Waray robbery/holdup gang ang napaslang  matapos makasagupa ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group Region 3 sa San Fernando City, Pampanga kahapon ng umaga.

Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr., ang dalawang napatay na sina Reynan “Bordado” Delfino at isang alyas Putin na kapwa gun-for-hire na nag-ooperate sa Central Luzon.

Lumilitaw na nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni P/Senior Supt. Elmo Francis Sarona, na magsasagawa ng pang­hoholdap ang dalawa sa kahabaan ng highway sa Barangay Balite.

Dito na namataan ng mga operatiba ng CIDG ang da­lawa na lulan ng motorsiklo kung saan tinangkang sitahin ng grupo subalit agad itong nagpaputok ng baril na nauwi sa shootout.

Narekober sa encounter site ang dalawang cal . 45 pistol, tatlong magazine para sa cal. 45 at itim na motorsiklo.

 

Show comments