MANILA, Philippines - Sinibak na kahapon ang provincial police office Director ng Zamboanga del Sur kaugnay ng malalimang imbestigasyon sa pyramiding scam na bumiktima ng 15,000 katao sa Mindanao at Visayas Region. Kinumpirma sa phone interview ni police regional office 9 director P/Chief Supt. Napoleon Estilles ang pagsibak kay Zamboanga del Sur PPO director P/Senior Supt. William Manzan. Pansamantala namang itinalaga si P/Senior Supt. Romeo Uy, bilang officer-in-charge ng Zamboanga del Sur PPO. Ang pagsibak kay Manzan ay bunga ng paglawak ng operasyon ng sindikato na umaabot sa libu-libong ang nabiktima kabilang ang ilang pulis habang ang iba naman ay nasibak dahil sa pagbibigay proteksyon sa sindikato ng get-rich-quick scam ng Aman Futures Group. Nabatid na nasa 53-pulis rin ang biktima ng pyramid scam sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.