Jailbreak: 7 preso nakapuga

QUEZON, Philippines – Pitong preso na may iba’t ibang kasong kriminal ang nakapuga matapos wasakin ang rehas na bakal sa kanilang kulungan sa Barangay Poblacion sa bayan ng Polilio, Quezon kamakalawa. Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Valeriano de Leon, Quezon PNP director, kabilang sa mga presong tumakas ay sina Mark Anthony Capayas na may kasong robbery; Leonen Bo sa kasong robbery; Arnold John Montano sa kasong illegal possession of deadly weapon; Melchor Bueges na may kasong murder; Santos Penascosas sa kasong robbery; Arnel Grespor sa kasong pagnanakaw; at si Merlito Bo na may illegal possesion of deadly weapon. Nakapuga ang mga preso matapos samantalahin ang kaabalahan ng mga pulis sa isasagawang physical fitness test. Nalalagay naman sa balag ng alanga­ning masibak sa puwesto ang mga guwardiyang pulis dahil sa kapabayaan.

Show comments