BULACAN, Philippines - Tinatayang aabot sa P3.5 milyong halaga ng ari-arian ang nilamon ng apoy matapos masunog ang malaking babuyan, tatlong bahay at bodega sa Barangay Sta. Cruz sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan kahapon. Bandang alas- 9 ng umaga nang magsimulang kumalat ang apoy mula sa sumabog na makina ng tubig sa piggery farm na pag-aari ni Rodolfo Reyes. Umabot sa tatlong oras ang sunog bago idineklarang under control habang wala namang napaulat na nasawi o nasaktan. Samantala, nagmistula namang piyesta sa naturang lugar matapos na ipamigay na lamang ng may-ari ang mga baboy na natupok at nasawi dahil sa suffocation.