2 utas, 5 grabe sa salpukan

MANILA, Philippines - Dalawa-katao ang iniulat na nasawi habang limang iba  pa ang malubhang nasugatan makaraang magbanggaan ang dalawang  truck ng Army sa highway ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao noong Miyerkules ng umaga. Kinilala ang mga biktima na sina Corporal Fernan Palos ng Army’s 1st Mechanized Infantry Battalion sa Maguindanao at Jomar Abdul Amid na ang bahay ay nasalpok ng Army truck. Sa ulat ni P/Insp. Lendsi Sinsuat, hepe ng Datu Odin Sinsuat, naganap ang sakuna sa Barangay Pingguiaman bandang alas-8 ng umaga. Isinugod naman sa Camp Siongco Hospital sa Army’s 6th Infantry Division ang limang sugatang sundalo na sina Pfcs, Michael Pamo, Erwin Prepanya, Marlon Ocsiano, Eugene Acaso at Pfc. Rommie Sedeño. Base sa imbestigasyon, humahagibis ang dalawang truck ng Philippine Army patungo  sa himpilan ng Army’s 6th ID para dumalo sa turnover ceremony nang makasalubong ang trahedya. Tumilapon mula sa trak ang nasawing sundalo habang minalas namang mamatay si Amid nang suwagin ng trak ang bahay nito.

Show comments