CAVITE, Philippines – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng kanyang dating tauhan ang 42-anyos na manager ng kompanya sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Aguado, Trece Martirez City, Cavite kahapon ng umaga. Kinilala ang biktima na si Tricina Nuñez habang tinutugis naman ng pulisya ang suspek na si Joseph Penalosa ng Barangay Mataas na Lupa sa bayan ng Indang, Cavite. Ayon kay PO1 Armando Ayson Jr., pinasok ng suspek ang bahay ng biktima kung saan isinagawa ang pamamaslang. Nabatid na ilang beses na umanong nakakatanggap ng pagbabanta sa buhay ang biktima mula sa suspek na sinasabing sinibak sa trabaho.