MANILA, Philippines - Lumundag sa kaniyang kamatayan ang 56-anyos na mister matapos tumalon mula sa gusali ng Hall of Justice matapos itong kasuhan ng pananakal ng biyenan sa Bacolod City, Negros Occidental kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., director ng Police Regional Office 6 ang nag-suicide na si Hector Villarosa ng Barangay Mansilingan, Bacolod City.
Noong Martes ng gabi ay inaresto ng mga operatiba ng pulisya si Villarosa sa kaniyang tahanan sa Brgy. Mansilingan, Bacolod City matapos naman itong ireklamo ng kaniyang biyenang babae ng pananakal.
Samantala, habang inaaresto ng pulisya ay bigla na lamang nitong sinunggaban ang butcher knife at sinaksak ang isa sa arresting team na si PO1 Antonio Jimeno na isinugod sa Bacolod Adventist Medical Center habang ikinulong naman sa detention cell ang suspek.
Ayon kay Cruz, matapos isailalim sa inquest proceedings si Villarosa sa Hall of Justice ng Bacolod City ay bigla na lamang itong tumalon mula sa ikatlong palapag ng gusali.
Pinaniniwalaan namang ayaw makalaboso ng suspek kaya mas piniling magpakamatay.