TUGUEGARAO CITY, Philippines – Humabol sa Undas ang apat na magkakaibigang lalaki habang dalawang iba pa ang nasa kritikal na kalagayan matapos na sumalpok ang kanilang kotse sa waiting shed sa Brgy. Tabug, Batac City, Ilocos Norte noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ni P/Supt. Jessie Gorospe, hepe ng Provincial Police Civil Relations Office ang mga nasawi na sina Rosevelt Ranada, 31; Rogel Agdeppa, 25; at si Arnel Macadaeg, 25; pawang nakatira sa Barangay Tartabang sa bayan ng Pinili, Ilocos Norte.
Samantala ang driver na si Fred Oasay, 39, ng Pinili, Ilocos Norte ay binawian naman ng buhay dakong alas-3:30 ng madaling-araw kahapon.
Patuloy namang nakikipagbuno kay kamatayan sa Don Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa Batac City ang mga sugatang sina Meynard Mendoza, 31; at Miguel Fagaragan, 24.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na dumalo sa okasyon ng inuman ang mga biktimang nalango sa alak.
Napag-alaman ding senglot ang driver ng kotseng Toyota Corolla (PMJ780) na si Oasay na sinasabing nawalan ng kontrol sa manibela kaya naganap ang trahedya sa gilid ng national highway.
Bukod sa pagsalok ng kotse sa waiting shed ay sinuyod din ang punong mangga sa kaliwang bahagi ng highway.