May-ari ng chain of restaurant itinumba

DUMAGUETE CITY , Philippines – Isa na namang negosyante na nagmamay-ari ng ilang restaurant sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang iniulat na na­patay matapos itong barilin ng ‘di-kilalang lalaki sa kahabaan ng Sta. Catalina Street sa Dumaguete City, Negros Oriental noong Lunes ng gabi.

Sa inisyal na imbestigas­yon ng pulisya, kinilala ang biktima na si Aries Christopher Bejar Alvarez, 40, may asawa at nakatira sa Ecoville Subdivision sa Barangay Talay sa nasabing lungsod.

Napuruhan sa dibdib ang biktima at idineklarang patay sa Holy Child Hospital na may ilang metro ang layo sa pag-aaring Ka Waway Restaurant.

Sa ulat ni P/Insp. Eddie Oira, OIC ng Dumaguete City PNP, kapapasok lamang ng biktima sa pag-aaring kotse bandang alas-8:50 ng gabi nang lapitan at barilin ng ‘di-kilalang lalaki na pinaniniwalaang gun-for-hire.

Nabatid din sa ulat na ang duguang biktima ay nakaupo pa sa loob ng kotseng Sedan kung saan nabasag ang glass window sa driver’s seat.

Wala namang lumutang na testigo sa krimen at wala rin mga CCTV camera ang mga establisamento sa nasabing lugar para makilala ang gunman.

Sinisilip ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at NBI ang dalawang anggulo na may kinalaman sa mga kasong isinampa ng biktima kaugnay sa kanyang negos­yo.

Show comments