MANILA, Philippines - Namemeligrong masibak sa puwesto ang apat na pulis matapos na masangkot sa kasong administratibo at kriminal sa Western Visayas Region, ayon sa opisyal kahapon.
Sa ulat ni Police Regional Office 6 Director P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., kinilala ang mga sangkot sa katiwalian at kasalukuyang iniimbestigahan ay sina PO1 Roldan Villa ng Community Precinct sa Bacolod City Government Center; PO1 Sherwin Esmedio ng Iloilo City PNP; PO2 Rex Capapas at si PO1 Melchor Salcedo na kapwa miyembro ng 6th Regional Public Safety Battalion sa Silay City, Negros Occidental.
Ayon kay Cruz, si Villa ay lumabag sa gun ban habang nasa kasagsagan ng Maskara festival sa Bacolod City noong Oktubre 13 kung saan nakumpiskahan ng cal. 45 pistol habang off duty.
“We have set the rules. They are only allowed to carry their firearms while on duty and in proper uniform,” pahayag ni Cruz.
Samantala, si Esmedio ay nakipagsabwatan naman sa isang wanted na kriminal sa Iloilo City na nabuko sa mga mensahe nito sa cell phone.
Sangkot naman sa illegal na transaksyon ng bawal na droga sa Silay City sina Capapas at Salcedo na ikinanta ng drug pusher na umano’y siyang supplier ng ibinebenta niyang droga.
Ang nabanggit na pulis, ayon pa sa opisyal ay dinisarmahan at isinailalim sa restrictive custody habang iniimbestigahan.
Sakaling mapatunayang guilty ang mga ito sa kaso ay mahaharap sa pagkakadismis sa serbisyo.