BULACAN, Philippines - Limang kalalakihan na sinasabing notoryus na karnaper kabilang ang dalawang menor-de -edad ang nadakma ng mga operatiba ng pulisya sa bahagi ng Barangay Sapang sa bayan ng Calumpit, Bulacan kahapon ng umaga.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Fernando Mendez Jr., Bulacan PNP director, kinilala ang mga suspek na sina Bong-Bong Torres, 42, ng Brgy. Capalangan, Apalit, Pampanga; Eduardo Lagman, 47, ng Brgy. Gatbuca, Calumpit; Rodel Sulpicio ng Solis St, Gagalangin,Tondo, Manila at ang dalawang tinedyer na kapwa 17- anyos.
Base sa imbestigasyon, kinarnap ng mga suspek ang Mitsubishi van (TQT-694) na pag-aari ng St.Peter Funeral Parlor sa Barangay West Triangle, Quezon City kung saan ito nakaparada sa Antipolo City.
Dahil sa nakakabit na global positioning system (GPS) sa sasakyan ay agad na natunton sa kahabaan ng Doña Remedios Trinidad sa bayan ng Plaridel.
Dito na sinundan ng mga tauhan ni P/Supt. Edwin Quilates ang mga suspek hanggang sa makarating sa abandonadong bahay sa nasabing barangay.
Kaagad na sinalakay ng pulisya ang kinaroroonan ng mga suspek kung saan narekober ang iba pang piyesa ng iba’t ibang sasakyan na kinarnap.
Kabilang din sa mga narekober ang ilang tangke ng Acetylene, iba’t ibang gamit sa pangkatay ng sasakyan.