MANILA, Philippines - Nakataya ngayon ang kampanya ng Cignal HD Lady Spikers sa 2014 PLDT Home-Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament sa makukuhang resulta sa laro laban sa Petron Lady Blaze Spikers sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
May isang panalo lamang sa limang laro ang HD Lady Spikers at agaw-buhay ang estado nito sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL bukod sa suporta ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
Nangungulelat ang koponang pumangalawa sa naunang dalawang conferences ng liga pero may pag-asa pa sila na manatiling palaban sa titulo kung mananalo sa larong itinakdang magsimula sa ganap na ika-2 ng hapon.
Pero dapat na umabot ang laro sa tatlo o apat na sets para maagaw ng Cignal sa PLDT Home TVolution Power Attackers ang ikaanim at huling puwesto na aabante sa quarterfinals.
Kapag umabot sa five-sets ang laro, matatanggal pa rin ang Cignal dahil mas mababa ang kanilang quotient sa PLDT.
Magbubukas din ang second round sa men’s division sa araw na ito at magtutuos ang Systema at IEM sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon bago sundan ng Cignal at Via Mare dakong alas-4.
Ang Generika-Army Lady Troopers, RC Cola-Air Force Raiders at Air-Asia Flying Spikers ang magkakasalo sa unahan sa 4-2 karta ngunit ang Lady Troopers at Raiders ay dumiretso na sa semifinals dahil tangan nila ang pinakamataas na quotient.
Ang AirAsia (4-2) at Petron (3-2) ay nakapuwesto na sa quarterfinals habang ang Cagayan Valley Lady Rising Suns na kasalo ang PLDT sa 2-4 at posibleng makapantay pa ang Petron, ay selyado na rin ang upuan sa quarters dahil sa mas magandang quotient. (AT)