MANILA, Philippines — Apat na koponan ang tatarget ng semifinals seat sa 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup quarterfinals sa Muntinlupa Sports Center.
Lalabanan ng defending champion National University, may dalang “twice-to-beat” advantage, ang Letran alas-5 ng hapon Sabado.
Winalis ng five-peat-seeking Lady Bulldogs ang pitong laro sa pagsagupa sa Lady Knights sa torneong itinataguyod ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R&B Milk Tea.
“We have to stay focused, stay hungry to win and stay humble. No room for complacency. We'll not waste the twice-to-beat advantage,” ani NU coach Norman Miguel sa pagharap nila sa reigning NCAA champion Letran.
Sa ala-1 ng laro magkikita ang Ateneo De Manila University at Far Eastern University na may bitbit na “twice-to-beat".
Dinagit ng Blue Eagles ang University of the Philippines Fighting Maroons, 25-19, 25-22, 25-20, sa huli nilang laro.
Magkikita sa alas-11 ng umaga ang Adamson University at UP na armado ng “twice-to-beat”.
Nagmula ang Lady Falcons sa 26-24, 25-15, 25-21 panalo sa St. Benilde Lady Blazers.
Itataya naman ng 2025 runner-up University of Santo Tomas ang kanilang unbeaten record sa paglaban sa St. Benilde sa alas-3 ng hapon.
Sakaling magkaroon ng mga “do-or-die game” para sa Final Four seat sa event na suportado ng Philippine Sports Commission, the Commission on Higher Education, Mikasa, Asics, Rigour Technology, Jersey Haven, Solar Sports at 12 Beyond Production bilang technical partners, ito ay idaraos bukas sa parehong Muntinlupa venue.