CAVS isinalba ni Mitchell

Nailusot ni Donovan Mitchell ng Cavaliers ang kanyang layup laban sa Bulls.
STAR/ File

CLEVELAND - Kuma­mada si Donovan Mitchell ng walong sunod na puntos sa loob ng 65 segundo, kasama ang go-ahead basket sa natitirang 34 segundo, sa 128-122 pagtuhog ng Cavaliers sa Chicago Bulls.

Tumapos si Mitchell na may 29 points kasama ang 26 markers sa second half kung saan niya ibinangon ang Cleveland (7-3) mula sa isang 19-point deficit.

Nagdagdag si De’An­dre Hunter ng season-high 29 points kasunod ang 24 markers ni center Evan Mobley.

Pinangunahan ni Isaac Okoro ang Chicago (6-3) sa kanyang 19 points habang naglista si Jalen Smith ng 18 points at 11 rebounds.

Ang dunk ni Josh Giddey ang nagbigay sa Bulls ng 72-53 bentahe sa dulo ng second quarter bago umarangkada si  Mitchell sa second half para tulu­ngan ang Cavaliers na manalo.

Sa Philadelphia, buma­nat si Tyrese Maxey ng 31 points kasunod ang 29 markers ni Joel Embiid sa 130-120 pagdaig ng 76ers (6-3) sa Toronto Raptors (5-5).

Kumolekta si Trendon Watford ng triple-double na 20 points, 17 rebounds at 10 assists para sa unang panalo ng Philadelphia sa pang-lima nilang pagtutuos ng Toronto simula noong nakaraang season.

Sa iba pang laro, nirapido ng Denver Nuggets ang Indiana Pacers, 117-110, panalo ang Atlanta Hawks sa Los Angeles Lakers, 122-102; tinalo ng San Antonio Spurs ang New Orleans Pelicans, 126-119; at sinunog ng Miami Heat ang Portland Trail Blazers, 136-131.

Show comments