AUSTRALIA - Minalas si Pinay tennis sensation Alex Eala na makasampa sa finals ng Workday Canberra International matapos sumuko kay Wei Sijia ng China, 5-7, 2-6, sa kanilang semifinals match.
Nakatabla si Eala sa 4-4 sa first set bago nakalayo si Wei para sa kanyang 7-5 panalo.
Sa second set ay hinataw ng Chinese bet ang 5-0 bentahe patungo sa kanyang pagwalis sa Pinay.
Nagtapos ang laro sa loob ng isang oras at 28 minuto.
Ang panalo sana ng 19-anyos na si Eala ang nagplantsa sa kanilang championshjip duel ni seventh seed Aoi Ito ng Japan na sinibak si top seed Nuria Parrizas Diaz ng Spain, 6-2, 6-2, sa isa pang semis game.
Ito ang unang torneo ni Eala ngayong taon.
Nauna nang ginulat ng Pinay netter sina Aussies Catherine Aulia, 6-1, 6-2, at Alana Subasic, 5-7, 6-0, 6-1, sa qualifying para makapasok sa main draw.
Isinunod ni Eala sina Sinja Kraus ng Austria, 6-2, 6-4; Arianne Hortono ng Netherlands, 6-3, 6-3; at local bet Taylah Preston, 4-6, 6-2, 6-1, sa main draw.