Makasaysayang 2024 sa Philippine sports

Ang Gilas Pilipinas ni coach Tim Cone.

2 olympic gold ni Yulo; pag-agaw ng eksena ng Gilas at Alas

MANILA, Philippines — Tunay na hindi makakalimutan ang taong 2024 sa kasaysayan ng Philippine sports.

Unang-una rito ang ma­ka­saysayang pag-angkin ni Pinoy star gymnast Carlos Edriel Yulo sa dalawang gold medal sa Olympic Games sa Paris, France no­­ong Agosto.

Pinagharian ng 24-an­yos na tubong Leveriza, Malate ang men’s floor exer­cise at vault competitions na resulta ng halos 12 taon niyang pagsasanay at sakripisyo simula sa Ba­tang Pinoy ng Philippine Sports Commission (PSC).

Kaagad bumaha ng cash incentives, bonuses, house and lot, condo unit, kotse at mga product endorsements para kay Yulo na umabot ng higit sa P100 milyon.

Ngunit nabahiran ito san­dali ng kontrobersya ukol sa relasyon ni Yulo sa kanyang ina.

Ang dalawang Olympic Games gold medal ni Carlos Edriel Yulo.

Hindi lamang si Yulo ang binigyan ng insentibo ni Pangulong Bongbong Mar­cos, Jr. kundi pati sina Paris Olympics bronze medalists Nesthy Petecio at Aira Ville­gas at ang 19 pang mga non-medalists.

Nauna nang binuhat ni lady weightlifter Hidilyn Diaz ang kauna-unahang Olympic gold ng bansa sa 2020 edition sa Tokyo kung saan hindi nakakuha ng me­­dalya si Yulo.

Hindi rin nagpahuli ang Gilas Pilipinas ni coach Tim Cone na gumawa ng ek­sena sa FIBA Olympic Qualifying Tournament matapos talunin ang World No. 6 Latvia sa Riga, Latvia.

Ito ang unang panalo ng mga Pinoy cagers sa isang European team ma­ta­pos ang 64 taon.

Ang pagdiriwang ng Alas Pilipinas women’s volleyball team sa 2024 AVC Challenge Cup.

Bukod sa Latvia, naki­pagsukatan din ng lakas ang Gilas Pilipinas sa mga world-ranked teams na Bra­zil at Georgia sa nasa­bing Olympic qualifying tournament.

Ginimbal rin ng Natio­nals ang World No. 22 New Zealand sa FIBA Asia Cup qualifiers na una nilang pa­­nalo sa mga Tall Blacks sa isang FIBA competition.

Maliban sa Gilas Pilipinas ay nag-ingay din ang Alas Pilipinas women’s volleyball team ni team captain Jia Morado nang hatawin ang bronze medal sa Asian Volleyball Confederation Challenge Cup.

Sinundan ito ng dalawa pang tanso ng mga Pinay spikers ni Brazilian coach Jorge de Brito sa SEA Wo­men’s V-League.

May bronze medal din ang Alas Pilipinas men’s squad sa SEA Men’s V-League.

Sa golf, gumawa ng kasaysayan si Rianne Malixi nang pagreynahan ang US Girls Junior at US Women’s Amateur.

Nasa listahan din sina billiards aces Carlo Biado at Rubilen Amit na nagwagi sa World 10-Ball Championship noong Marso at sa WPA Women’s World 9-Ball noong Setyembre, ayon sa pagkakasunod.

Noong Setyembre rin hi­­nirang ang 20-anyos na si Daniel Quizon bilang ika-17 Pinoy Grandmaster sa kanyang paglalaro sa 45th FIDE Chess Olympiad sa Budapest, Hungary.

Sa nasabing torneo ay isinulong nina Women’s Grandmaster Janelle Mae Frayna, Women’s International Master Jan Jodilyn Fronda at Bernadette Galas, Women’s FIDE Master Shania Mae Mendoza at Ruelle Canino ang Group B gold medal.

Inaasahang muling mag­bibigay ng karangalan ang mga Pinoy athletes sa mga sasalihang in­ternational competitions sa taong 2025 kagaya ng Southeast Asian Games.

Show comments