Ajido bumasag ng rekord sa SEA Age

MANILA, Philippines — Gumawa ng ingay si Jamesray Michael Ajido matapos magtala ng bagong rekord sa 46th Southeast Asian Age Group Championships na ginaganap sa Assumption University swimming pool sa Bangkok, Thailand.

Napasakamay ni Ajido ang gintong medalya matapos wasakin ang rekord sa boys’ 14-15 50-meter butterfly sa bilis na 25.53 segundo.

Tinabunan ng 15-anyos na De La Salle Greenhills Grade 10 student ang da­ting marka ni Vietnamese Nguyen Hoang Khang (25.71) na nailista noong 2018 edisyon.

Ito ang unang ginto ng Team Philippines sa three-day meet.

Tinalo ng Asian Age Group Championships gold medalist na si Ajido sina Gusti Pramana ng Indonesia (25.98) at Khattawan Juhara ng Thailand (26.00) na nagkasya sa pilak at tanso, ayon sa pagkakasunod.

Magandang panalo ito para kay Ajido para mai­dagdag sa kanyang pilak na medalya sa 50m freestyle.

Nauna nang nakapilak si World Junior Championship campaigner Micaela Jasmine Mojdeh sa girls’ 100m butterfly habang naka-tanso naman si Ivo Nikolai Enot sa boys’ 100m backstroke.

Kasama sina Ajido, Moj­deh at Enot sa 12-man swimming team na ipina­dala ng Philippine Aquatics. Inc. (PAI) at suportado ng Philippine Sports Commission.

Show comments