Viva mapua!

Hinirang na kampeon ang Mapua Cardinals sa NCAA Season 100 men’s basketball.
NCAA photo

Kampeon sa NCAA season 100

MANILA, Philippines — Tapos na ang 33 taong pagkauhaw ng mga Cardinals sa korona.

Kinumpleto ng Mapua University ang sweep sa College of St. Benilde matapos kunin ang 94-82 panalo sa Game Two ng NCAA Season 100 men’s basketball championships series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Isinara ng Cardinals sa 2-0 ang kanilang best-of-three titular showdown ng Blazers para makopo ang pang-pitong titulo sa kabuuan.

Inilibing din sa limot ng Intramuros-based team ang kabiguan sa San Beda Red Lions sa Season 99 kung saan nila kinuha ang Game One bago isinuko ang sumunod na dalawang laro.

“I just wanted this so bad talaga,” ani Finals MVP Clint Escamis na umiskor ng 15 points sa first half. “Ever since last year, nandoon ako sa ibaba ng ring na pinuputulan ng net. Ngayon ako na ‘yung pumuputol ng net.”

Huling naghari ang Mapua noong 1991 sa ilalim ni coach Joel Banal tampok ang game-winning putback ni Benny Cheng sa Game Three laban sa San Beda sa NCAA Finals.

“Iyong gutom na gutom. Siyempre 33 years tala­gang iyon ang naging motivation nila. Palagi namin sinasabi na dapat gutom sila lagi every game,” ani mentor Randy Alcantara na miyembro ng 1991 champion squad kasama si Cheng.

Naglista si Cyrus Cuenco ng 19 points, 4 assists at 2 rebounds para sa Cardinals.

Umarangkada ang Car­dinals sa second period sa pagtatayo ng 10-point lead, 37-27 habang nakalapit ang Blazers sa 51-53 sa dulo ng third quarter sa likod nina MVP Allen Liwag, Justine Sanchez at Tony Ynot.

Bumanat ang Mapua ng isang 13-3 atake para sa 66-54 kalamangan sa huling 1:26 minuto nito patungo sa 87-75 pagbaon sa St. Benilde sa natitirang minuto ng final canto.

Show comments