Mojdeh humirit agad ng pilak sa SEA Age

Abot-kamay na sana ni Mojdeh ang gintong medalya subalit kinapos lamang ito sa huling sandali ng gitgitang bakbakan upang magkasya lamang sa pilak na medalya sa girls’ 16-18 100m butterfly event.

MANILA, Philippines — Nagparamdam agad ng lakas si World Cup finalist Micaela Jasmine Mojdeh matapos sumungkit ng pilak na medalya sa 46th Southeast Asian Age Group Swimming Championships na ginaganap sa Assumption University Suvarnabhumi Campus swimming pool sa Bangkok, Thailand.

Abot-kamay na sana ni Mojdeh ang gintong medalya subalit kinapos lamang ito sa huling sandali ng gitgitang bakbakan upang magkasya lamang sa pilak na medalya sa girls’ 16-18 100m butterfly event.

Naitala ni Mojdeh ang isang minuto at 3.40 segundo — gahibla lamang mula kay gold medal winner Thitiphon Kertsriphan ng host Thailand na may 1:03.39 na naisumite.

“Magkalayo kasi kami ng lane kaya hindi ko siya nakita. Sayang pero meron pa naman akong remaining events para makabawi,” ani Mojdeh na nasa Lane 6 habang nasa Lane 3 naman ang Thai swimmer.

Sasabak pa ang Behrouz Elite Swimming Team standout na si Mojdeh sa tatlong events — sa 400m Individual Medley, 200m breaststroke at 200m butterfly kung saan pakay nitong makaresbak.

Maliban sa pilak ni Moj­deh, humirit pa ang Team Philippines ng isang pilak at isang tanso sa boys’ division.

Naibulsa ni Jamesray Ajido ang pilak na medalya sa boys’ 14-15 50m freestyle kung saan naisumite nito ang 24.63 segundo.

Nanguna si Jirapat Chayangsu ng host Thailand na may 24.11 segundo habang pumangatlo naman ang isa pang Thai na si Ktanont Petcharatn na naorasan ng 24.79 segundo.

Napasakamay naman ni Ivo Nikolai Enot ang tanso bunsod ng nailista nitong 58.05 segundo sa boys’ 16-18 100m backstroke na pinagharian ni Jason Donovan Yusuf ng Indonesia na nagtala ng bagong SEA Age Group record na 56.52 segundo sa pagkopo nito ng gintong medalya.

Nasa ikalawa si Truong Vinh Trinh ng Vietnam na may 57.83 segundo. 

Show comments