MANILA, Philippines — May tsansa pa ang Adamson University na umusad sa Final Four kailangan lang nilang kalusin ang Ateneo de Manila University sa huling elimination play date ng UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament.
Tangan ang 5-8 record, inaasahang itotodo ng Soaring Falcons ang kanilang lakas pagsimula ng kanilang laban kontra Blue Eagles sa alas-5:30 ng hapon sa FilOil EcoOil Centre.
Sakaling manalo ang Adamson ay magkakaroon ng playoff para sa No. 4 spot kontra University of the East na may 6-8 record at kasalukuyang nasa pang-apat sa team standings.
Kaya tiyak na prayer mode ang galawan ng Red Warriors upang sumampa sila ng walang kahirap hirap sa magic four.
Para sa Soaring Falcons, kailangan nila ng dalawang panalo para humakbang sa F4 at harapin ang top seed at defending champions De La Salle University, (12-2) sa semis.
“We told them before na we needed two wins to get to the Final Four, sana today and the next game would give us an outright ticket but since we lost, we still need two which means we need to do it the hard way,” wika ni Adamson head coach Nash Racela matapos nilang matalo sa Growling Tigers nakaraang laban.