MANILA, Philippines — Umukit ng panibagong kasaysayan ang Gilas Pilipinas matapos sikwatin ang kauna-unahan nitong tagumpay kontra sa pambatong New Zealand, 93-89, para sa masigabong pagbubukas ng kampanya nito sa ikalawang window ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers kahapon sa Mall of Asia Arena.
Nagpabugbog muna ang Nationals bago kumalawa sa third quarter at pigilan nila ang balikwas ng Tall Blacks tungo sa tagumpay na nagpanatili sa kanilang malinis na kartada sa Group B.
Solo ngayon sa 3-0 ang world No. 34 na Gilas papasok sa susunod nitong laban kontra sa Hong Kong sa Linggo sa parehong venue.
Sa apat na salang simula nang masali sa FIBA Asia zone ang New Zealand ay nangitlog ang Gilas sa average losing margin na 24.3 puntos at sa wakas ay nakaisa sa world No. 22 Tall Blacks.
Kumamada ng kumpletong 26 puntos, 11 rebounds, 4 assists, 2 steals at 2 blocks si naturalized player Justin Brownlee upang banderahan ang Gilas.
Tampok dito ang pang-selyong free throws sa 11.1 segundo matapos siyang sumablay sa nakalipas na possession na nagbigay-daan sa tres ni dating PBA import Tom Vodanovich, 91-89.
Supalpal ni Kai Sotto ang sumunod na tangka ng New Zealand at inubos nalang ng mga bataan ni head coach Tim Cone ang oras tungo sa pambihirang tagumpay.
Halos triple-double rin na 19 puntos, 10 rebounds at 7 assists sahog pa ang 2 steals at 2 tapal naman ang ambag ni Sotto para sa Gilas.
Hindi rin nagpahuli si Scottie Thompson na may 12 puntos habang may tig-11 din sina Dwight Ramos at Chris Newsome para sa balanseng atake ng Gilas sa homecourt nito.