Cignal sumabit sa liderato

Inilihis ni Vanie Gandler ng Cignal HD ang bola kontra sa depensa ni Alina Bicar ng Chery Tiggo.
PVL photo

MANILA, Philippines — Hindi ito ang gustong makita ni coach Shaq delos Santos, pero masaya na rin siya sa inilaro ng Cignal HD.

Bumira si Ces Molina ng 13 points para gabayan ang HD Spikers sa 25-19, 20-25, 25-18, 25-21 panalo sa Chery Tiggo Crossovers sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Nag-ambag sina Vanie Gandler at Riri Meneses ng tig-12 markers para sa pagsosyo sa liderato ng Cignal kasama ang PLDT Home Fibr at Akari sa magkakatulad nilang 2-0 baraha.

May 1-1 marka naman ang Chery Tiggo.

“Happy kasi nag-perform iyong team. We know na hindi pa rin iyon talaga iyong gusto na­ming mangyari,” ani Delos Santos. “Ang good thing, while na-encounter namin iyong ganoong situation, nakaka-recover kami.”

Ang tinutukoy ni Delos Santos ay ang 20-25 kabiguan ng HD Spikers sa second set kung saan bumida sina Ara Galang at Seth Rodriguez para sa Crossovers.

Nakabawi ang Cignal at kinuha ang third frame, 25-18, sa pangunguna nina Molina, Gandler, Meneses at Gel Cayuna na naglista ng 20 excellent sets bukod sa siyam na puntos.

Hinataw ng Chery Tiggo ang 10-4 kalamangan sa fourth set bago nakatabla sa 20-20 mula sa puntos ni Mary Rhose Dapol.

Nagtuwang sina Gandler, Meneses at Judith Abil para sa 5-1 atake ng HD Spikers at selyuhan ang kanilang panalo.

Show comments