MANILA, Philippines — Magsasama-sama ang mga bigating personalidad sa mundo ng martial arts sa pagdaraos ng Combat Sports Championship sa Pebrero ng susunod na taon sa Pasig City.
Itatampok sa nasabing martial arts event ang jiu-jitsu, wushu, kurash, judo, muay thai at taekwondo.
“Join us this February 2025 at ULTRA in Pasig City as we embark on a new era in combat sports, dedicated to producing future champions,” ani Philippine Combat Sports Association (PCSA) president at Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) Party list First Nominee Dr. Jose Antonio Ejercito Goitia.
“Sama-sama, bigyan natin ng inspirasyon at bigyang kapangyarihan ang susunod na henerasyon ng mga atleta,” dagdag nito.
Samantala, ipinagdiwang ng PCSA ang pagsikwat ni Zeus Babanto sa silver medal sa men’s U21 +77kg ng World Youth Jiu-Jitsu Championship sa Greece.
Nakasama ni Goitia sa selebrasyon sina judo national team coach Capt. Benjie McMurray (Ret), jiu-jitsu national coach Stephen Kamphuis ng KMA Gym, coach Estie Gay D. Liwanen ng Kurash Philippines at Jiu-Jitsu Federation of the Philippines at judo coach AFP Gen. Joel Joseph Cabides (Ret), pangulo ng Veterans Judo Club at dating Commanding General ng AFP Reservist Command.
Nagpasalamat din ang PCSA kina judo at wrestling practitioner Vic Pinlac at dating PAJA Secretary General Gil Montilla.