Highrisers inilaglag ng Flying Titans sa 0-2

Inilusot ni Choco Mucho star Sisi Rondina ang bola kontra kina Jewel Encarnacion at Roselle Baliton ng Galeries Tower.
PVL photo

MANILA, Philippines — Dumaan muna sa butas ng karayom ang Flying Titans bago maiposte ang unang panalo.

Tinalo ng Choco Mucho ang Galeries Tower, 27-29, 25-20, 25-19, 17-25, 15-11, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Naglista si Kat Tolentino ng 27 points mula sa 20 attacks at pitong blocks bukod sa 10 excellent digs para pamunuan ang F­lying Titans na galing sa 20-25, 28-26, 21-21, 16-25 kabiguan sa Petro Gazz Angels.

Umiskor si Sisi Rondina ng 19 markers at may 14 at 10 points sina Chery Nunag at Loraine Pecana, ayon sa pagkakasunod.

“Pang-add lang sa aming kumpiyansa dahil siyempre, matagal-tagal na kaming hindi nananalo. Sobrang thankful kami na nakuha namin ito today,” ani Choco Mucho coach Dante Alinsunurin.

Ang tinutukoy ni Alinsunurin ay ang kanilang kabiguan sa Creamline sa nakaraang PVL All-Filipino Cup Finals.

Laglag ang Galeries Tower sa 0-2 kartada matapos ang 30-28, 15-25, 16-25, 23-25 pagyukod sa Akari sa una nilang laro.

Pumalo si rookie Jewel Encarnacion ng 18 points kasunod ang 13 markers ni Ysa Jimenez para sa Highrisers na kinuha ang first set, 29-27, bago nakatabla sa fourth frame, 25-17.

Huli silang nakadikit sa 12-14 sa fifth set mula sa hataw ni rookie Julia Coronel, tumapos na may 10 points at 11 excellent sets, bago selyuhan ni Rondina ang tagumpay ng Flying Titans.

Show comments