MANILA, Philippines — Inangkin ni Lhey Marie Manginsay ang table tennis gold medal sa women’s singles Class 10 sa closing ceremony ng 8th Philippine National Para Games kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Tinalo ng 21-anyos na tubong Zamboanga Sibugay si national team mainstay Minnie Cadag, 3-0, para pagreynahan ang event.
“Maganda po ang nilaro ko today. Talagang nagpursige ako na makapunta dito dahil pangarap ko makalaro sa national team,’’ wika ni Manginsay.
Humataw din siya ng dalawang silver medals sa women’s team at mixed doubles events sa nasabing five-day meet.
Nakipagtambal si Manginsay kay Marie Nina Carmelotes ng Davao sa women’s team kung saan sila natalo kina national team players Marie Eloise Sable at Cadag.
Sa mixed doubles, nakasama ni Manginsay si Rommel Lucencio subalit nabigo sa gold-medal match kina Linard Sultan at Cadag.