Pirates lumapit sa Final Four berth

MANILA, Philippines — Inilapit ng Lyceum of the Philippines University ang sarili sa huling Final Four berth matapos ang 74-65 pagdaig sa Emilio Aguinaldo College sa se­cond round ng NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Naglista si Renz Villegas ng 12 markers, 6 rebounds at 3 assists habang iniskor ni rookie Jonathan Daileg ang lahat ng kanyang 11 points sa fourth quarter para sa 9-8 kartada ng Pirates.

“Kung importante din sa EAC mas importante sa amin kasi our goal is going to the Final Four,” ani Lyceum coach Gilbert Malabanan sa kanilang pagsosolo sa fourth place.

Swak na sa Final Four ang College of St. Benilde, (13-3) Mapua University (13-3) at nagdedepensang San Beda University (10-6).

Umiskor si Harvey Pagsanjan ng 16 points kasunod ang 14 markers ni King Gurtiza para sa 8-9 marka ng EAC na nadulas sa fifth spot.

Mula sa 54-49 abante ng Generals sa fourth period ay nakahabol ang Pirates sa likod nina Daileg at John Barba para agawin ang 65-55 bentahe sa hu­ling 1:54 minuto ng laro.

Samantala, kumolekta si JP Boral ng 22 points, 5 boards at 2 steals para igiya ang talsik nang University of Perpetual Help System DALTA sa 86-82 come-from-behind win sa Jose Ri­zal University.

Show comments