Ginebra tatabla sa TNT

At ang resulta nito ay ang pagkahulog sa 0-2 butas sa kanilang championship showdown ng nagdedepensang TNT Tropang Giga sa Season 49 PBA Governors’ Cup Finals.
PBA Image

MANILA, Philippines — Aminado si coach Tim Cone na masyadong napagod ang Barangay Ginebra sa kanilang semifinals series ng San Miguel.

At ang resulta nito ay ang pagkahulog sa 0-2 butas sa kanilang championship showdown ng nagdedepensang TNT Tropang Giga sa Season 49 PBA Governors’ Cup Finals.

“I think coming from the San Miguel series  semis) we’re a little bit worn and not as focused as we should be. The two games kind of woke us up so hopefully this gets us going in the series,” ani Cone matapos ang 85-73 pagresbak ng Ginebra sa TNT sa Game Three noong Biyernes para sa 1-2 agwat sa serye.

Pipilitin ng Gin Kings na makatabla, habang hangad pa rin ng Tropang Giga na maitayo ang malaking 3-1 bentahe sa Game Four ngayong alas-7:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Bagama’t nahirapan sa depensa nina TNT import Rondae Hollis-Jefferson at Glenn Khobuntin ay tumapos pa rin si import Justin Brownlee na may 18 points, 13 rebounds, 4 assists, 4 blocks at 1 steal para sa Ginebra.

“Justin struggled offensively, especially against an elite defender in Rondae Hollis-Jefferson but he’s not quitting defensively,” sabi ni Cone kay Brownlee.

Nagdagdag si Gin Kings’ guard Scottie Thompson ng 15 points at 5 rebounds kasama ang apat na defensive boards na nagbigay sa kanya ng kabuuang 1,999 rebounds.

Inaasahang mapapasama si Thompson sa 2,000-defensive rebound club tampok si ‘Living Le­gend’ Robert Jaworski na naitala ito noong Hulyo 6, 1982 sa laban ng Toyota kontra sa San Miguel.

“Sobrang blessed kung ganun kasi at the same time, nasa Ginebra siya, tapos kung ako makakakuha, Ginebra pa rin,” sabi ng one-time PBA MVP.

Bago ang Game Four ay papangalanan muna ang Best Player of the Conference at Best Import na pinamumunuan nina eight-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo ng San Miguel at Hollis-Jefferson ng TNT, ayon sa pagkakasunod.

Show comments