MANILA, Philippines — Patuloy ang ratsada ng Pinoy paddlers matapos umakyat sa siyam na ginto ang koleksiyon nito sa ICF Dragon Boat World Championships na ginaganap sa Puerto Princesa Baywalk sa Palawan.
Nagtala pa ng dalawang sunod na panalo ang Pinoy squad sa 40+ women’s standard boat 500-meter event sa bilis na dalawang minuto at 16.32 segundo, at sa men’s 40+ open men’s standard boat 500-meter race sa oras na 1:59.23.
“The achievement of our paddlers was certainly overwhelming after what happened to us in the opening day when we did not win a single gold medal,” ani PCKDF president Leonora “Lenlen” Escollante.
Sa kabuuan, may siyam na ginto, anim na pilak at anim na tanso na ang Pilipinas para malampasan ang dati nitong produksiyon na limang ginto, isang pilak at dalawang tanso noong 2018 edisyon sa Gainesville, Georgia.
Nakuha pa ng Pilipinas ang gintong medalya sa 40+ 10x200m race kung saan nagsumite ito ng 1:52.17 para ungusan ang Germany na nagkasya sa pilak bitbit ang 1:52.61 at Czech Republic na nagtala naman ng 1:52.72 para sa tanso.