MANILA, Philippines — Pinatumba ng Perpetual Junior Altas ang Mapua-Malayan School Red Robins, 86-59, sa ‘winner-take-all’ finals para pagharian ang Under Armour Curry 12 Invitational Championship noong Linggo sa Gameville Ball Park Court 2 sa Mandaluyong City.
Bumida si Jericho Cristino sa Junior Altas ni coach Joph Cleopas sa hinakot na 15 points, 9 rebounds, 4 assists at 5 steals.
Nagdagdag si Lebron Jhames Daep ng 14 points at 12 rebounds na hinirang na tournament MVP, habang may 11 markers si Felix Corpuz tampok ang tatlong three-point shots.
Pinamunuan ni Drei Gragasin ang Red Robins sa kanyang 11 points at nag-ambag si Yuri Duque ng 10 markers.
Mula sa 19-17 abante ng Mapua sa first period ay bumanat ang Perpetual sa second quarter para isara ang first half hawak ang 45-33 bentahe.
Tuluyan nang lumamang ang Junior Altas nang maglista ng 65-46 kalamangan sa pagtatapos ng third canto.
Mula rito ay hindi na nakabangon ang Red Robins.
Samantala, pinabagsak naman ng San Sebastian College-Recoletos Golden Staglets ang Far Eastern University-Diliman Baby Tamaraws, 79-73, para sa third place trophy.