MANILA, Philippines — Magbabalik sina Stefanie Fejes at Jana Milutinovic ng Australia para muling kumuha ng korona, habang target ng Alas Pilipinas ang podium finish sa 2024 Asian Senior Beach Volleyball Championships sa Nuvali Sand Courts sa City of Santa Rosa.
Nakatakda ang torneo sa Nobyembre 5.
Pinagreynahan ng Aussie pair ang nakaraang Asian Volleyball Confederation (AVC) Beach Tour Nuvali Open noong Abril at nagkumpirma ng paglahok sa 20-team, six-day event na inorganisa ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF).
Sina Philippine Air Force duo Gen Eslapor at Kly Orillaneda ang babandera sa kampanya ng Pinas kasama sina Khylem Progella at Sofiah Pagara ng University of Santo Tomas.
Sasabak naman sina Alexa Polidario ng Philippine Army at Jenny Gaviola ng Coast Guard sa qualifying tournament.
Ang walo pang women’s teams ay dadaan sa qualifying para sa huling apat na tiket sa main draw, ayon kay PNVF at Asian Volleyball Confederation president Ramon “Tats” Suzara.
Muli ring sasalang sa men’s division sina Abbas Pourasgari at Alireza Aghajanighasab ng Iran na magdedepensa ng kanilang Nuvali Open crown.
Papalo sina Southeast Asian Games veterans Ran Abdilla at James Buytrago kasama sina Rancel Varga at Lerry John Francisco.
Nasa qualifying naman sina Perpetual Help star Ronniel Rosales at ex-NU stalwart Edwin Tolentino.