MANILA, Philippines — Halos magpatayan ang Barangay Ginebra at San Miguel sa Game Six ng kanilang semifinals showdown.
Ngunit sa huli ay sinibak ng Gin Kings ang Beermen, 102-99, para angkinin ang tiket sa Season 49 PBA Governors’ Cup Finals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tinapos ng Ginebra sa 4-2 ang best-of-seven duel nila ng San Miguel para itakda ang kanilang finals rematch ng TNT Tropang Giga na pinatalsik ang Rain or Shine, 4-1, sa kanilang semis war.
Swak ang tropa ni coach Tim Cone sa kanilang ika-31 finals appearance at puntirya ang pang-16 korona.
“It took every little ounce of whatever we had left to win the game tonight. It took just a long toll on all of us,” wika ng two-time PBA Grand Slam champion mentor.
Kumamada si Maverick Ahanmisi ng 25 points at may 21, 20, 16 at 10 markers sina import Justin Brownlee, Japeth Aguilar, rookie RJ Abarrientos at Scottie Thompson, ayon sa pagkakasunod.
Nagmula ang Gin Kings sa 121-92 panalo sa Beermen sa Game Five para makauna sa 3-2 sa serye noong Biyernes.
Kinuha ng San Miguel ang 10-point lead, 23-13, mula sa three-point play ni eight-time PBA MVP June Mar Fajardo sa 2:27 minuto ng first period bago nakadikit ang Ginebra sa halftime, 46-49.
Tuluyan nang naagaw ng Gin Kings ang kalamangan sa 93-85 galing sa three-point shot ni Ahanmisi sa fourth quarter bago muling nakadikit ang Beermen sa 99-102 matapos ang free throw ni Fajardo sa huling 1:34 minuto.
Hindi nakaiskor ang Ginebra, habang talbog naman ang mga itinirang 4-point shots nina import EJ Anosike at Jericho Cruz sa posesyon ng SMB.