Bravo nawalan ng malay sa court

Nagkamalay na si Lyceum forward JM Bravo at sumailalim sa CT scan sa Cardinal Santos Medical Center matapos mawalan ng ulirat sa huling walong segundo ng laban nila ng Arellano.

MANILA, Philippines — Sa huling walong segundo ng fourth quarter ay nawalan ng malay ang nagbabalik na si Lyceum of the Philippines University forward JM Bravo.

Nagbanggaan kasi ang mga ulo nina Bravo at Arellano University guard Renzo Abiera sa agawan sa bola kung saan hawak ng Chiefs ang 90-86 bentahe sa Pirates.

Ilang minutong nanatiling walang malay ang 6-foot-2 wingman bago tuluyan siyang isakay sa stretcher palabas ng FilOil EcoOil Centre sa San Juan City at dalhin sa Cardinal Santos hospital.

Napaiyak sa bench ang ilang players ng Pirates pati na si coach Gilbert Malabanan.

Sa inisyal na medical report ay nagkaroon na ng malay si Bravo at nakakapagsalita, ngunit nahihirapan sa paghinga.

Nagpaputok si Lorenz Capulong ng career-high 30 points para igiya ang Arellano sa 91-86 paggupo sa Lyceum sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball kahapon.

Humakot din si Capulong ng 16 rebounds para pigilan ang dalawang dikit na kamalasan ng Chiefs at itaas ang baraha sa 4-8.

Bigo ang Pirates na matusok ang ikatlong sunod na panalo para sa 6-6 marka.

“Unang-una ‘yun kasi ‘yung pina-practice namin, ‘yung endgame namin. Kasi doon kami laging sumasablay,” ani Arellano coach Chico Manabat. “Siguro binigay sa amin ‘yung breaks and chance to win the game.”

Ang tinutukoy ni Ma­nabat ay ang krusyal na dalawang basket nina EJ Geronimo at Abiera na nagbigay sa kanila ng 90-86 bentahe matapos makatabla ang Lyceum sa 86-86 sa huling 1:21 minuto ng fourth period.

Sa ikalawang laro, humakot si King Gurtiza ng 27 points, 5 rebounds at 4 assists sa 101-94 pagdaig ng Emilio Aguinaldo College (6-6) sa San Sebastian College-Recoletos (3-9).

Show comments