Tigresses nagpatibay sa No. 2 spot sa SSL

Lusot ang kill ni Kyla Cordora ng UST sa blocked nina Angeli Manalo at Gem Gavica ng Mapua.
SSL

MANILA, Philippines — Nirehistro ng University of Santo Tomas ang pangalawang sunod na panalo sa Pool B matapos sakmalin ang Mapua University, 25-18, 25-17, 25-20, sa 2024 Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-season Championship na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila kahapon.

Naging madali ang pagsungkit ng Golden Tigresses ng panalo para manatiling malinis ang karta at puwestuhan ang second spot sa likuran ng wala ding talo na University of the East Lady Warriors.(3-0).

Pinamunuan ni Kyla Cordora ang puntusan para sa UST na humataw ng siyam na puntos lahat ay galing sa kills.

Naging susi rin sa pa­nalo ng Tigresses ang pagdiskaril sa late rally ng Lady Cardinals.

“Nag-enjoy lang kami sa game. Naglaro kami na relax nu’ng first set, we just played our game and dinahan-dahan lang namin,” ani Cordora.

Bumakas si Xyza Gula ng walong puntos, seven markers naman si Margaret Altea at tig-anim sina  Jona Perdido at Regina Jurado para sa Golden Tigresses sa event na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea at Summit Water.

Inilagay ni Bianca Plaza ang UST sa match point, 24-17, mula sa quick attack pero hindi basta bumigay ang Mapua matapos umiskor ng tatlong sunod.

Subalit hindi na pinaporma ng España-based squad ang Mapua dahil tinapos na ito ni  Cordora.

Show comments