MANILA, Philippines — Inilabas ni Chinese fighter Darui Tang ang bagsik nito upang pataubin si Filipino Mark Palomar via knockout sa Universal Reality Combat Championship (URCC) Fight Night card na ginanap sa Octopus Bar sa Makati City.
Naglatag si Tang ng matatalim na atake dahilan upang pahinain si Palomar sa umpisa pa lamang ng laban.
Isang solidong suntok ang pinakawalan ng Chinese heavyweight sa second round upang maitarak ang second round stoppage.
Sa kabila ng matikas na panalo, sinabi ni Tang na nahirapan ito kay Palomar.
“I love the Philippines, I hope China and the Philippines will be good friends in the future, thank you,” ani Tang.
Kuntento naman si URCC Founder Alvin Aguilar sa naging resulta ng laban na suportado ng Primo Gaming, Iwanttfc at Octopus Bar and Restaurant.
“That is the reason why we are Asia’s most exciting MMA promotions, kasi all the fighters here come to fight. Kahit basag na yung mukha ni Palomar, game pa rin sya,” ani Aguilar.
Magandang pagkakataon aniya na gamitin ang sports upang mas lalo pang palalimin ang pagkakaibigan ng dalawang bansa — Pilipinas at China.
Sa iba pang resulta, wagi si Ezekiel Isidro kay Jacis Macasinag via unanimous decision habang nanalo si Kenneth Maningat via split decision kontra kay Ariel Oliveros.