MANILA, Philippines — Muling hahataw si Pinoy boxer Charly Suarez upang makalapit sa inaasam na world title shot.
Ngunit daraan sa matinding pagsubok si Suarez dahil mapapalaban ito kay unbeaten Andres Cortes sa isang 10-round eliminator sa Setyembre 20 sa Glendale, Arizona, USA.
Isang panalo na lamang ang kailangan ni Suarez para mabigyan ito ng tsansang masungkit ang World Boxing Organization super featherweight crown.
Kaya naman inaasahang ilalabas ni Suarez ang buong lakas nito para makuha ang panalo.
Nagwagi ng tatlong gintong medalya si Suarez sa Southeast Asian Games bago magdesisyong mag-professional boxer noong Enero 1, 2019.
Nakatakdang umalis si Suarez sa Setyembre 1 patungong Las Vegas, Nevada para doon ipagpatuloy ang paghahanda nito para sa laban.
Pinag-aaralan na ni Suarez ang galaw ni Cortes.
Si Cortes ay sariwa pa sa fourth-round knockout win laban kay Bryan Chevalier noong Pebrero.
Kasalukuyan itong nasa No. 2 spot sa WBO ranking habang pang-siyam naman ito sa WBC.
Si Suarez naman ay nasa ikatlong posisyon sa WBO at pang-lima sa IBF.
“Sobrang pinaghandaan ko ang laban na ito. Matinding training ang pinagdaanan ko para masiguro na handang-handa ako sa laban,” ani Suarez na hawak ni veteran manager Arnold Vegafria.
Lalaban si Suarez sa ilalim ng Top Rank Promotions ni Bob Arum at hawak ni dating national team member Delfin Boholst bilang coach/trainer.