MANILA, Philippines — Makakatapat ng Alas Pilipinas women’s at men’s national volleyball teams ang dalawang Japanese squads sa two-day Alas Pilipinas Invitationals sa Setyembre 7 at 8 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Lalabanan ng mga Pinay spikers si Japanese star hitter Miyu Nagaoka at ang nine-time Japan V.League champion Saga Hisamitsu Springs sa dalawang tune-up matches.
Maglalaro ang Alas Pilipinas Women na wala si team captain Jia Morado-De Guzman na muling sumama sa training ng Denso Airybees para sa darating na Japan V.League season.
Sina Eya Laure, Sisi Rondina, Jema Galanza, Vanie Gandler, Fifi Sharma, Faith Nisperos, Thea Gagate, Dawn Macandili-Catindig, Jen Nierva, Julia Coronel, Dell Palomata, Cherry Nunag at Arah Panique ang bubuo sa tropa.
Nagmula ang koponan ni Brazilian coach Jorge Souza De Brito sa back-to-back bronze medal finishes sa nakaraang 2024 Southeast Asia V.League.
Sasagupain naman ng mga Pinoy hitters si Japan national team superstar Yuji Nishida at ang Osaka Bluteon, dating Panasonic Panthers, sa back-to-back friendly games.
Dalawang bronze medals din ang inangkin ng Alas Men ni Italian mentor Angiolino Frigoni sa nakaraang 2024 SEA V.League.