MANILA, Philippines — Kasabay ng pagdiriwang ng Pilipinas sa ika-100 partisipasyon sa Olympic Games ay ang pagguhit ng kasaysayan ni gymnast Carlos Edriel Yulo sa 2024 edition sa Paris, France.
May kontribusyon ding medalya sina lady boxers Nesthy Petecio at Aira Villegas sa matagumpay na kampanya ng Team Philippines sa quadrennial event.
Inangkin ng 24-anyos na si Yulo ang kauna-unahang dalawang gold medals ng bansa sa Olympics matapos pagharian ang men’s floor exercise at vault events sa Bercy Arena.
“Ito na po iyong ultimate goal. Wala na po ako hinihiling na iba ngayon,” sabi ng tubong Leveriza, Malate na walang nakuhang medalya sa una niyang pagsabak sa Olympics noong 2021 sa Tokyo, Japan.
Sa nasabing edisyon binuhat ni weightlifter Hidilyn Diaz ang kauna-unahang Olympic gold ng Pilipinas nang magreyna sa women’s 55-kilogram division.
Si Diaz din ang tumayong ate ni Yulo habang naroon sila.
“I-enjoy mo ang bunga ng pinagpaguran mo. At lagi mong ibabalik sa Diyos at bayan dahil lahat ng tagumpay natin ay hindi pansarili,” wika ng 33-anyos na si Diaz sa gymnast.
Bagama’t siya ang itinuturing ngayong ‘greatest’ Pinoy athlete ay pursigido pa rin si Yulo na kumuha ng ginto sa 2028 Olympics sa Los Angeles, USA.
“Hindi pa ako titigil. Gusto ko pang mag-Olympics sa 2028 sa LA and I’ll do my best sa training and next challenges pa next time,” ani Yulo na magiging 28-anyos sa LA Olympics.
Nakuntento naman sina Petecio at Villegas sa bronze matapos matalo sa semifinals ng women’s 57kg at 50kg classes, ayon sa pagkakasunod.
Minalas rin sa medalya sina Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam sa men’s 57kg quarterfinals at Tokyo Olympics bronze medal winner Eumir Felix Marcial sa men’s 80kg round-of-16.
Samantala, hindi man nakahablot ng medalya ay malaking lundag ang ginawa ni World No. 2 EJ Obiena makaraan ang fourth-place finish sa men’s pole vault mula sa No. 11 spot noong Tokyo Games.
Bigo ring maka-medalya sina gymnasts Aleah Finnegan, Levi Ruivivar at Emma Malabuyo, weightlifters Elreen Ando, Vanessa Sarno at John Ceniza, swimmers Jarod Hatch, boxer Hergie Bacyadan, fencer Sam Catantan, rower Joanie Delgaco at judoka Kiyomi Watanabe.
Sa kabila nito ay nakapagtala pa rin ng mga bagong Philippine records
Dumulas kay Pagdanganan, ang No. 36 sa Olympic ranking ng International Golf Federation, ang bronze medal nang tumapos sa fourth place sa kanyang hinataw na 6-under-par, 282 total.
Tumabla naman si Ardina sa No. 13 sa kanyang 285 total.
Sa kabuuan ng kanilang kampanya sa 2024 Paris Olympics ay humakot ang 22-strong Team Philippines ng dalawang golds at dalawang bronzes.
Sapul nang sumali sa Olympics noong 1924 na idinaos sa Paris ay nakakolekta na ang Pinas ng 3-5-8 (gold-silver-bronze) medals.
“Answered prayers. We already broke the record in the Olympics,” ani Philippine Olympic Committee president Abraham ‘Bambol’ Tolentino.