PLDT ‘di bibitaw sa liderato

Rald Ricafort.
PVL

MANILA, Philippines — Ang patuloy na pagsolo sa liderato ang misyon ng PLDT, habang pakay ng Creamline ang ikatlong sunod na panalo sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Confe­rence sa Philsports Arena sa Pasig City.

Lalabanan ng High Speed Hitters ang Chery Tiggo Crossovers ngayong alas-5 ng hapon matapos ang laro ng Cool Smashers at Galeries Tower Highri­sers sa alas-3 ng hapon at upakan ng Nxled Chameleons at Farm Fresh Foxies sa ala-1 ng hapon.

Nasa itaas ng team standings ang PLDT hawak ang 3-0 baraha kasunod ang Creamline (2-1), Chery Tiggo (2-1), Farm Fresh (1-2), Nxled (1-2) at Galeries Tower (0-3).

Magkakasunod na iniligpit ng High Speed Hitters ang Cool Smashers, Highrisers at Chameleons habang nagmula naman ang Chery Tiggo sa four-set loss sa Creamline sa huli nilang laro.

“It’s a good start. Sana mai­tuluy-tuloy namin, pero mabigat iyong last two games,” wika ni PLDT coach Rald Ricafort sa pagharap nila sa Chery Tiggo at Farm Fresh.

Sa ikalawang laro, puntirya ng Creamline ang ikatlong dikit na ratsada sa pakikipagkita sa Galeries Tower na determinadong makasama sa win column.

Matapos matalo sa High Speed Hitters ay dalawang sunod na panalo ang kinuha ng Cool Sma­shers laban sa Foxies at Crossovers, habang nagmula ang Highrisers sa five-set loss sa Foxies sa huli nilang laro.

Show comments