MANILA, Philippines — Kagaya ng iba pang Olympic-bound athletes na nasa Metz training camp sa France, patuloy din ang preparasyon ni national boxer Eumir Felix Marcial sa Washington DC., USA.
Sa katunayan ay nakipag-sparring si Marcial kina dating unified light middleweight world champion Jarrett Hurd at Team USA light heavyweight titlist Amir Anderson.
“Great work with former unified light middleweight world champ Jarrett Hurd and Team USA light heavyweight champ Amir Anderson,” ani Marcial sa kanyang Facebook post. “Thank you for today’s work brothers.”
Hangad ng tubong Zamboanga City na masuntok ang gold medal sa 2024 Paris Olympic Games matapos mag-uwi ng bronze sa Tokyo edition.
Sa Tokyo Olympics ay tinalo ni Marcial si Algerian Younes Nemouchi sa Round of 16 via Technical Knockout (TKO) at si Armenian Arman Darchinyan via KO sa quarterfinals.
Sa semifinals ay nabigo siya kay Ukrainian Oleksandr Khyzhniak via 2-3 split decision para makuntento sa tansong medalya.
Binuhat ni weightlifter Hidilyn Diaz ang kauna-unahang Olympic gold ng bansa sa Tokyo Games habang sumuntok ng silver sina boxers Nesthy Petecio at Carlo Paalam.
Bukod kina Marcial, Petecio at Paalam, ang iba pang tatarget ng ginto sa Paris ay sina boxers Hergie Bacyadan, Aira Villegas, pole vaulter EJ Obiena, gymnasts Carlos Yulo, Aleah Finnegan, Levi Ruivivar at Emma Malabuyo, fencer Sam Catantan, weightlifters Elreen Ando, John Ceniza at Vanessa Sarno, rower Joanie Delgaco, swimmers Kayla Sanchez at Jarrod Hatch; judoka Kiyomi Watanabe at golfers Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina.
Nagsasanay na sa Metz training camp sina Petecio, Paalam, Bacyadan, Villegas, Yulo, Sanchez, Ando, Ceniza, Sarno, Delgaco.