Adamson, La Salle mainit ang simula sa Shakey’s GVIL

MANILA, Philippines — Walang kahirap-hirap na kinaldag ng Adamson University ang University of the Philippines Integra­ted School, 25-13, 25-14 upang manguna agad sa Pool D sa simula ng 2024 Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (GVIL) na nilaro sa Adamson University Gym main court kahapon.

Tinapos ng reigning UAAP champions Adamson ang UP sa loob ng 55 minuto kung saan ay binigyan ni head coach JP Yude ng playing minutes ang kanyang ibang pla­yers at makapag-ambag ng puntos para sa Lady Baby Falcons.

Pinamunuan ni Samantha Cantada ang opensa para sa Adamson sa tinikadang pitong puntos habang si UAAP Season 86 MVP Shaina Nitura ay bumakas ng six markers sa tournament na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Eurotel, Victory Liner, Smart Sports, Mikasa, Team Re­bel Sports at Robinsons Malls.

“Sinabi lang ni coach sa amin na do our best and just enjoy the game since bago lang po ang nasa first six namin,”ani Cantada na galing ang kanyang anim na puntos sa kills.

Bumira si Shean Ordonio ng limang puntos, may apat si Janna Dizon para sa Lady Baby Falcons na inungusan ang Junior Fighting Maroons sa kills, 28-10.

Samantala, hindi naman nagpadaig ang De La Salle-Lipa, matapos maghabol ng isang set ay lumabas ang kanilang ba­ngis upang pagpagin ang bagitong Bethel Academy, 18-25, 25-23, 25-20, sa Pool A encounter.

Show comments