MANILA, Philippines — Sumisid si Paralympic swimmer Angel Mae Otom ng gintong medalya sa pretihiyosong 2024 Citi Para Swimming World Series na idinaos sa Singapore.
Nasiguro ng three-time Asean Para Games champion na si Otom ang gintong medalya matapos pagreynahan ang women’s 50-meter backstroke Class S1-S5 event.
Nagtala ang Pinay tanker ng 44.72 segundo sapat para makuha ang unang puwesto.
Tinalo ni Otom sina Naori Yui ng Japan na nagsumite ng 55.60 segundo para magkasya sa pilak at Pin Xiu Yip ng Malaysia na naglista ng isang minuto at 4.89 segundo para sa tanso.
Maliban sa ginto, humirit din si Otom ng pilak sa women’s 50m butterfly S1-S5 kung saan nakakuha ito ng 46.39 segundo.
Nakuha ni An Nishida ng Japan ang ginto sa naturang event tangan ang bilis na 37.37 segundo.
Pasok na si Otom sa 2024 Paralympic Games na idaraos sa Paris, France ilang linggo matapos ang regular na 2024 Summer Paris Olympics.
Ang torneo ay bahagi ng paghanda ni Otom para sa Paris Paralympics.
Makakasama ni Otom sa Paris Paralympics si Asean Para Games multi-gold medalist Ernie Gawilan.