MANILA, Philippines — Hindi magpapadala ng koponan ang Philippine Basketball Association (PBA) sa Basketball Champions League (BCL) Asia na mas kilala sa dating tawag na FIBA Asia Champions Cup.
Ito ang inihayag ni PBA commissioner Willie Marcial kung saan nakikipag-ugnayan na ito kay FIBA secretary general Andreas Zagklis para ipaalam ang desisyon nito.
Idinahilan ni Marcial na marami nang isinakripisyo ang liga sapul pa noong nakaraang taon para mapagbigyan ang kahilingan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.
“We’ve been talking with sec-gen Andreas and told him about the PBA not joining the BCL Asia. We apologized for this because the PBA has had a lot of sacrifices made since last year,” ani Marcial.
Partikular na tinukoy ni Marcial ang paghahanda ng Gilas Pilipinas kung saan mayorya sa mga players nito ay mula sa PBA.
Nag-adjust din ng schedule ang PBA para mapagbigyan ang ilang torneong lalahukan ng Gilas Pilipinas.
Isa na rito ang pagsabak ng Gilas sa Southeast Asian Games sa Phnom Penh, Cambodia kung saan nabawi ng Pilipinas ang korona.
Kasama rin dito ang hosting ng Pilipinas ng FIBA World Cup na agad namang sinundan ng partisipasyon ng Gilas sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China kung saan naghari ang Filipinos.