MANILA, Philippines — Bagama’t naibulsa na ang top spot at ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals ay wala pa ring balak ang San Miguel na ihinto ang kanilang siyam na sunod na arangkada.
At target nila ang ika-10 sunod na panalo laban sa Blackwater ngayong alas-4:30 ng hapon sa Season 48 PBA Philippine Cup sa Philsports Arena sa Pasig City.
“Our next goal is the 10th win,” ani SMB coach Jorge Gallent. “We are going step-by-step. Monday, Tuesday, we will prepare for Blackwater and for now, we will just think of the 10th game. We will think of Blackwater.”
Sa ikalawang laro sa alas-7:30 ng gabi ay pupuntiryahin ng TNT Tropang Giga ang quarterfinals berth kontra sa sibak nang Converge.
Solo ng San Miguel ang liderato bitbit ang 9-0 record kasunod ang quarterfinalist Barangay Ginebra (7-3), NLEX (5-4), TNT (5-4), Magnolia (5-4), Rain or Shine (5-5), Meralco (5-5), Terrafirma (5-5), Blackwater (3-6), Phoenix (3-7) at Converge (1-8).
Ang top two teams ay magkakaroon ng ‘twice-to-beat’ bonus sa quarterfinals.
Dahil nakuha na ng Beermen ang bonus ay target naman nilang walisin ang eliminasyon.
“If it comes, it comes, but that’s not really in our minds,” sabi ni Gallent. “We just do it step-by-step, prepare for every team when it comes.”
Hangad naman ng Bossing na mapigilan ang kanilang anim na dikit na talo para makasilip ng tsansa sa huling q’finals spot.
Sa ikalawang laro, ikokonekta ng Tropang Giga ang ikalawang sunod na panalo laban sa FiberXers para sa tsansa sa quarters.
“We haven’t played a complete game yet,” ani TNT coach Chot Reyes matapos ang kanilang 108-101 panalo sa Phoenix. “We have to continue working and fixing things to be able to put together a quality 48 minutes.”