Timberwolves lumapit sa pagwalis sa Suns

Nakawala si Wolves forward Jaden McDaniels sa depensa ng Suns sa Game 2.
STAR/File

PHOENIX — Humataw si Anthony Edwards ng 36 points para banderahan ang Minnesota Timberwolves sa 126-109 paglapa sa Suns at angkinin ang 3-0 lead sa kanilang Western Conference first-round series.

Humakot si Rudy Gobert ng 19 points at 14 rebounds para sa Minnesota na hangad walisin ang Phoenix sa Game Four bukas (Manila time).

Umarangkada ang Timberwolves sa third period kung saan sila nagsalpak ng pitong three-point shots, kasama rito ang apat ni Nickeil Alexander-Walker, para ilista ang 22-point lead papasok sa fourth quarter.

Binanderahan ni Bradley Beal ang Suns sa kanyang 28 points, habang may 25 at 23 markers sina Kevin Du­rant at Devin Booker, ayon sa pagkakasunod.

Tinangay ng Minnesota ang six-point halftime lead na kanilang pinalobo sa 69-58 sa pagsisimula ng third period mula sa back-to-back triples nina Mike Conley at Karl-Anthony Towns patungo sa 95-73 abante.

Sa Indianapolis, kinumpleto ni Tyrese Haliburton ang isang three-point play sa huling 1.6 segundo para itakas ang Indiana Pacers sa Milwaukee Bucks sa overtime, 121-118, at kunin ang 2-1 bentahe sa kanilang Eastern Conference first-round series.

Tumapos si Haliburton na may 18 points, 16 assists at 10 rebounds sa kanyang unang postseason triple-double para sa Pacers at may 29 markers si Myles Turner.

Sa Dallas, kumolekta si Luka Doncic ng 22 points, 10 rebounds at 9 assists sa 101-90 panalo ng Mavericks sa Los Angeles Clippers at ibulsa ang 2-1 lead sa kanilang Western Conference first-round showdown.

Show comments