MANILA, Philippines — Pinigilan ng Phoenix ang kanilang pagbulusok matapos patumbahin ang Converge, 113-107, sa Season 48 PBA Philippine Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Humakot si Jason Perkins ng 26 points, 13 rebounds at 4 assists para tapusin ang two-game losing skid ng Fuel Masters at itayo ang 2-4 baraha.
Bagsak ang FiberXers sa 0-7 marka.
Sinandigan ng Phoenix sa fourth quarter si Ken Tuffin na kumamada ng siyam na puntos para sa kanilang 111-100 bentahe sa huling 2:42 minuto matapos dumikit ang Converge sa 98-101.
Ang basket ni Javee Mocon sa nalalabing 1:08 minuto ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Fuel Masters.
Tinapos ni Tuffin ang laro bitbit ang 16 points, 10 boards, 3 steals at 2 assists, habang may tig-11 markers sina Mocon at Matthew Daves.
Humakot si Justin Arana ng 32 points sa panig ng FiberXers at may 31 markers si Alec Stockton.
Samantala, magtutuos ang Rain or Shine (3-4) at Terrafirma (4-4) ngayong alas-3 ng hapon sa Caloocan Sports Complex sa Caloocan City at magtatagpo naman ang NLEX (5-1) at TNT Tropang Giga (3-3) sa alas-6:15 ng gabi Candon, Ilocos Sur sa magkahiwalay na venue.