MANILA, Philippines — Para kay Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino, hindi matatawaran ang naibigay na karangalan ni national weightlifter Hidilyn Diaz-Naranjo sa bansa.
Ito ay matapos mabigo ang tubong Zamboanga City na makakuha ng tiket para sa 2024 Olympic Games sa Paris, France na nakatakda sa Hulyo.
Mahigpit na niyakap ni Tolentino si Diaz-Naranjo bilang pagdamay.
“You’re still the queen,” sabi ni Tolentino kay Diaz-Naranjo na ibinigay sa Pilipinas ang kauna-unahang Olympic gold medal noong 2020 Tokyo Games.
“You are still our champion, you deserve all the honor and respect for giving our country it’s first gold medal,” dagdag ng POC chief.
Nagyakapan din sina Tolentino at Diaz-Naranjo nang mabuhat ng lady weightlifter ang gold medal sa women’s 56-kilogram event sa Tokyo Olympics.
Sa 2024 International Weightlifting Federation (IWF) World Cup sa Phuket, Thailand ay minalas si Diaz-Naranjo na makapasok sa top 10 ng women’s 59kg category.
Tumapos siya sa No. 11 place.
Nag-sorry si Diaz-Naranjo kay Tolentino.
“You don’t have to say sorry, again, anak, you’re still the queen, a legend,” sabi ni Tolentino kay Diaz-Naranjo.
Ginawa ni Diaz-Naranjo ang kanyang Olympic debut sa edad na 17-anyos noong 2008 sa Beijing.
Naglaro rin siya sa London Olympics (2012) at sa Rio de Janeiro Olympics (2016) kung saan siya nag-uwi ng silver medal.