Eala kampeon sa ITF France doubles

MANILA, Philippines — Nasungkit ni Alex Eala ang ikalawang double title nito sa taong ito matapos pagreynahan ang ITF W75 Open 3C de Seine et Marne sa Comete de Seine et Marne de Tennis sa Croissy-Beaubourg, France.

Muling nakipagsanib-puwersa si Eala kay French partner Estelle Cascino upang patumbahin sina top seeds Maia Lumsden ng Great Britain at Jessica Ponchet ng France sa pamamagitan ng gitgitang 7-5, 7-6 (4) desisyon sa championship round.

Ito ang ikalawang korona ni Eala sa doubles matapos mangibabaw sa ITF Nuc-Deccan sa Pune, India noong Enero kung saan kapares nito si Darja Semenistaja ng Latvia.

Nakuha nina Eala at Cascino ang 5-4 kalama­ngan sa second set.

Subalit hindi agad bumitiw sina Lumsden at Ponchet na naitabla ang laro sa 5-5 at 6-6.

Kaya naman hindi na nagpatumpik-tumpik pa sina Eala at Cascino sa tiebreak makaraang magpaulan ito ng solidong serves at baseline game para makuha ang panalo.

Nakapasok sa finals sina Eala at Cascino nang patalsikin nito sina Marie Weckerle ng Luxembourg at Kira Pavlova ng Russia sa semifinals, 6-3, 6-3.

Show comments