SSS puro na sa 2024 UNTV Cup crown

Binibigyan ng instruction ni SSS coach ex-PBA star Ronald Tubid ang kanyang bataan.
STAR/File

MANILA, Philippines — Lumapit ang SSS Kabalikat sa pagkopo sa korona matapos angkinin ang 90-81 panalo sa karibal na Agriculture Food Master sa Game One ng UNTV Cup Finals sa NOVADECI Convention Center sa Quezon City.

Sumandal ang SSS Kabalikat kay dating PBA cager Macky Escalona para sa 1-0 lead sa kanilang best-of-three title series ng Agriculture Food Master sa annual UNTV basketball tournament.

Nakatakda ang Game Two sa Marso 31 sa Philsport Arena sa Pasig City.

Kumamada si Escalona ng 19 points, 8 assists, 4 rebounds at 3 steals para sa SSS Kabalikat habang may 24 markers si dating Philippine Christian University Dolphins player Lisztian Amparado.

Mula sa 17-6 abante sa first quarter ay itinayo ng Kabalikat ang isang 23-point lead, 50-27, laban sa Food Master galing sa back-to-back jump shots ni Amparado.

Ilang beses nagtangkang makalapit ng Food Master, ngunit nanatili sa kanilang porma ang Kabalikat.

Personal na pinanood ni Social Security Commissioner Robert Joseph M. De Claro kasama ang iba pang officials at personnel ang SSS squad na gumawa ng historic appearance sa UNTV Cup finals.

Show comments