Bawat panalo mahalaga sa Cool Smashers

Creamline
PVL image

MANILA, Philippines — Sa dikit-dikit na kartada ng mga powerhouse teams ay importante ang bawat panalo para makapasok sa semifinal round ng 2024 Premier Volleyball League All-Filipino Confe­rence.

Ipinakita ito ng nagde­depensang Creamline matapos itakas ang dramatikong come-from-behind 26-28, 22-25, 25-22, 25-21, 16-14 win sa Cignal HD noong Martes ng gabi.

“Napakahalaga ng panalo ngayon sa stan­dings,” wika ni coach Sherwin Meneses sa kanyang Cool Smashers. “Ibang teams kasi dikit-dikit siya talaga, every win kailangan makuha.”

Muling napasakamay ng Cool Smashers ang solong liderato sa kanilang bitbit na 6-1 record kasunod ang PLDT Home Fibr (5-1), Choco Mucho (5-1), Petro Gazz (5-2), Chery Tiggo (5-2), Cignal (4-2), Akari (2-4), Farm Fresh (2-4), Galeries Tower (2-4), Nxled (1-5), Capital1 Solar Energy (1-6) at Strong Group Athletics (0-6).

Nauna nang yumukod ang Cool Smashers sa mainit na Crossovers, 18-25, 24-26, 23-25, para sa kanilang unang kabiguan sa torneo.

Sa panalo ng six-time PVL champions sa HD Spikers ay humataw si Tots Carlos ng bagong career-high na 38 points mula sa 35 kills at tatlong kill blocks.

“I’m so happy kasi hindi sumuko ang team. We real­ly did our best to bounce back,” wika ni Carlos.

“Madami pang kaila­ngan na pag-aralan. Cignal played well at kailangan pa naming itaas ang level ng laro namin,” dagdag pa ni Carlos.

Magbabalik ang mga aksyon ng liga sa Abril 2 matapos ang Holy Week.

Show comments